Sunday, February 25, 2007

Alak, Antigo, at Ala-ala

here's my february column for insideout...

Hindi ko alam kung paano ko maipapahayag ang gustong sabihin ng mga kasamahan ko sa bawat magulang na narito sa bulwagang ito. Pero, sana sa pamamagitan ng hawak kong kapirasong papel at kaunting ink ng printer na nakahanay dito, masabi ko man lang ang kalahati ng gustong ipahayag ng mga matitikas kong kasamahan.
Ang buod po ng sanaysay na ito ay umiikot sa tatlong salitang nagsisimula sa titik A. Alak, Antigo, at Ala-ala.
Alak
Hindi po ako mahilig uminom ng alak pero may nakapagsabi sa aking mas luma ang alak, mas mahal daw ang presyo nito. Dagdag pa ng isang patalastas na nakita ko sa internet, ang mga alak daw, habang tumatagal, mas lalong sumasarap—mapapansing nanduon pa rin ang natural na pait nito sa bawat lagok ngunit kapansi-pansin ang kakaibang tamis na kasama nito…hmm!
Hindi po biro ang maging isang magulang, alam po namin iyon. Lalo po sa katulad ninyong may anak na seminarista, mayroong walang-kapantay na tamis sa proseso, ngunit kaakibat nito ay hindi mabilang na pait. Pait ng paghihintay sa bakasyon, kung kailan ninyo kami ulit makakapiling. Pait na kailangan ninyong harapin sa tuwing dumarating na ang araw ng aming bayarin, at walang posibleng pagkunan nito. Pait na naghihintay sa sandaling biglang magbago ang direksyon ng buhay na tinatahak namin.
I am not exactly aware of those sweet things we’ve brought to your life. I hope there are…but I believe that my companions, your sons, would agree with me that you have been a wine to us… a superb old wine…our dear parents.
Kayo po ay naging alak sa bawat isa sa amin. May pait na panandalian sa bawat lagok, ngunit ang hatid nito’y pangmatagalang katakam-takam na tamis ng inyong pagmamahal na hindi namin pagsasawaan.
Antigo
Hindi ko po ibig sabihin dito na mukha kayong lumang silya na nangingitim na sa katandaan.
Pero hindi po naluluma ang anumang bagay na antigo. Habang mas tumatagal, mas lalo pa itong pinahahalagahan. Mas tumitindi pa ang paghanga ng lahat dito. Do I need to mention that the price of a furniture, however useless and grotesque it may be, would normally shoot up once it has reached its antiquity?
Sa isang bagay na antigo, maihahambing din namin kayo aming mga magulang sapagkat walang presyo ang pagmamahal ninyo sa amin.
Katulad ng isang bagay na pinakatago-tago natin ng matagal, mahirap nang pakawalan ang mga bagay na ito dahil sa sentimental na kahalagahan nito para sa isang nagmamay-ari.
Noong iwan namin ang ating tahanan upang pumasok sa seminaryo, alam namin na nahirapan kayong tanggapin na kailangan naming mawalay sa inyo. Kung alam ninyo lang po kung gaanong sakit rin ang aming naranasan dahil sa pagkakawalay sa inyo.
Noong bata pa kami, ilang beses nga ba naming naitanong sa sarili namin kung bakit kailangang maging kill-joy ng mga magulang. Bakit kailangan ninyong tutukan kami sa pag-aaral, turuan kami ng mga gawaing bahay at disiplinahin kami sa mga baluktot naming gawa. Ngunit ngayong medyo nagkakagulang na kami, naiintindihan na namin na kabutihan lang pala ang gusto ninyong maramdaman namin.
Ngunit hindi katulad ng isang antique, hindi po namin kayo maipagpapalit o maipagbibili. Ang pagmamahal ninyo’y walang katulad.
Ala-ala
Noong pumasok kami sa seminaryo, kasama ng bitbit naming damit at iba pang baon, ay kaunting lakas ng loob, pananampalataya sa Diyos, at kalakip nito ay ang magagandang ala-ala ng ating pamilya.
Hindi po perpekto ang seminaryo, hindi po anghel ang mga nakatira dito. May mga pagkakataong umiiyak kami dahil nasasaktan at nalulungkot. Ngunit ang ala-ala ninyo ay tila “vicks vaporub” na humahagod sa aming napapagal na katawan at nagpapaginhawa sa aming pakiramdam.
May kasabihang “Ang hindi lumingon sa pinanggalingan ay hindi makakarating sa patutunguhan.” Asahan po ninyong hindi kami magsasawang pauli-ulit at pauli-ulit at pauli-ulit pang lumingon sa aming pinanggalingan dahil alam naming malinaw naming masasalamin duon ang pag-ibig ninyong kumalinga sa amin.
Alak…Antigo…Ala-ala: tatlong bagay na walang katulad…walang kapantay…dahil sila ang magpapa-alala namin ng larawan ng inyong pag-ibig sa amin.
Sa tatlong taong inilagi ko sa seminaryo, akala ko tapos na ang responsibilidad ng mga magulang ko sa akin. Hindi pala. Bukod sa pagpunta tuwing visiting Sunday at pinansyal na suporta, alam ko, tatango sa akin ang mga kasamahan ko sa pagsasabing utang namin sa inyo ang aming bokasyon.
Hayaan ninyong tapusin ko ang talumpating ito sa pamamagitan ng isang makabagbagdamdaming text message: “Sa buhay ko, mayroong minahal, minamahal, at mamahalin pa, alam ninyo ba kung saan kayo roon? Kayo ang buhay ko.”
Maraming salamat po.

No comments:

Post a Comment